Hard lockdown sa barangay sa Maynila nagsimula na

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2020 01:15 PM | Updated as of Jun 01 2020 07:06 PM

Watch more in iWantTFC

Kung isinailalim sa mas maluwag na general community quarantine ang Metro Manila nitong hatinggabi ng Lunes, inumpisahan naman ang hard lockdown sa isang barangay sa Maynila.

Ipinag-utos ng lokal na pamahalaan na i-lockdown ang Barangay 847 sa Pandacan district matapos magtala ang komunidad ng 4 na positibong kaso ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Ruben Flores Jr., chairman ng barangay, hiniling nila sa lokal na pamahalaan ang hard lockdown para maiwasan ang pagkalat ng sakit sa mga residente.

Sa loob ng 48 oras o hanggang hatinggabi ng Miyerkoles, magsasagawa ng disease surveillance at rapid risk assessment ang lokal na pamahalaan sa higit 3,000 residente ng barangay.

Ipinagbabawal ang paglabas sa mga bahay maliban sa health workers, government employees na nasa emergency frontline services, at service workers sa mga botika, punerarya, at media company.

Isasara muna ang commercial establishments at bawal ding dumaan ang hindi residente maliban na lang kung aprubado ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.

Ang mga mahuhuling lalabag ay dadalhin sa covered court ng barangay, na magsisilbing pansamantalang detention facility.

Umabot na sa 1,386 ang positibong kaso ng COVID-19 sa lungsod, base sa huling tala ng Manila Public Information Office.

Naka-confine naman sa Santa Ana Hospital ang 4 na nagpositibo sa COVID-19 mula Barangay 847.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.