ALAMIN: Ilang patakaran para sa mga magbabalik-trabaho sa GCQ

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2020 02:02 PM

MAYNILA - Muling ipinaalala ng Department of Labor and Employment ang mga panuntunan na dapat sundin ng mga empleyado ng kompanya sa Metro Manila sa pagbabalik-trabaho. 

Kasunod ito ng pag-arangkada ng general community quarantine sa Metro Manila, kung saan mas marami ang nagbabalik-operasyon na opisina. 

Ayon kay Labor Assistant Secretary Dominique Tutay, kabilang dito ang mga sumusunod: 

PAGPASOK 

Sa pagpasok sa opisina, dapat sumailalim sa temperature checks. 

Dapat ding sumagot ang mga empleyado sa checklist, para malaman kung may exposure ng empleyado sa virus. 

"Pamantayan pa rin po natin ang health and safety ng ating mga manggagawa kaya kailangan po na mag-comply sila sa lahat po ng workplace measures para ma-prevent po natin at makontrol 'yung pagkalat po ng COVID-19," ani Tutay. 

HABANG NAGTATRABAHO 

Habang nagtatrabaho, ayon kay Tutay, dapat sundin ang mga sumusunod: 

  • Paghuhugas ng kamay
  • Pagsusuot ng face mask
  • Pagpapatupad ng physical distancing 
  • Pagtatakip ng bibig kapag umubo at bumahing 

Dapat ding bigyan ng kompanya ng face mask ang empleyado, at hindi dapat ito kinakaltas sa suweldo. 

Kung dati, sanay sa sabay-sabay na pagkain, ipinapayo na lang ngayon na kumain sa work station para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Maraming sektor ang nagbabalik-operasyon ngayong Lunes, Hunyo 1, ngayong naka-GCQ na ang Metro Manila, matapos ang dalawang buwan na mahigpit na lockdown na layong pigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.