Mga taga-Oriental Mindoro na na-stranded sa ibang lugar sinimulan nang sunduin

ABS-CBN News

Posted at May 31 2020 04:13 PM | Updated as of May 31 2020 06:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa ang 26-anyos na si Sherelyn Magpantay sa maagang dumating nitong Linggo sa tagpuan ng mga susunduing mga Mindorena na-stranded sa Cavite dahil sa lockdown na ipinatupad dulot ng COVID-19 pandemic.

Hindi siya makapaniwala nang makita ang bus na sasakyan pauwi. Para sa kaniya, ito na ang katapusan ng kaniyang paghihirap buhat nang ma-stranded.

“Naranasan namin kumain nang isang beses sa isang araw. Kapag may darating na ayuda, salamat. Kapag wala, tiis lang po kami,” ani Magpantay.

Nag-aayos ng papeles si Magpantay para makapagtrabaho bilang overseas Filipino worker nang abutan ng lockdown. Para magkapera, namasukan din siyang kasambahay sa Bacoor City.

“Habang naghihintay po ng biyahe, pumasok po ako bilang isang kasambahay muna. Isang buwan po ako doon sa naging amo ko. Mabait sila, maasikaso,” kuwento niya.

Sa kaniyang pagbabalik sa Puerto Galera, bitbit niya ang mga pasalubong sa 2 anak na naghihintay na siya ay muling makapiling.

Hindi rin nalalayo ang karanasan ni Karen Casilag mula sa bayan ng Pinamalayan.

Kailangan na niyang umuwi dahil hindi na siya kayang pasuwelduhin bilang yaya matapos mawalan ng trabaho ang mga amo buhat ng mag-lockdown.

Mga manyika ang pasalubong niya sa 2 anak na nananabik sa kaniyang pagbabalik.

“Masaya po ako, makakasama ko na po mga anak ko,” ani Casilag.

Kabilang sina Magpantay at Casilag sa higit 100 mga taga-Oriental Mindoro na na-stranded sa Cavite, na sinimulan nang sunduin pauwi ng lalawigan.

Libre ang pagsundo ng mga bus pero kailangan mayroon silang maipakitang travel authority at medical certificate para makasakay sa barko.

Pagdating sa Calapan City port, ipo-profile muna ang mga nagbabalik-probinsiya. Aalamin ang travel history at kung mayroong sintomas.

Ang mga walang sintomas ay bibigyan ng green tag at ihahatid pauwi sa kanilang mga bahay, kung saan ituturing silang person under monitoring sa loob ng 2 linggo, ayon kay Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor.

Kapag may isa sa 7 sintomas, deretso ang tao sa municipal quarantine facility. Pero kapag 2 o higit pa, dadalhin sila sa municipal isolation area, ayon kay Dolor.

Pero kapag may 2 o higit pang sintomas at hirap sa paghinga, dadalhin siya sa provincial isolation area, dagdag ng gobernador.

Kapag malala na ang mga sintomas, deretso sa ospital ang tao, aniya.

Sa tala ng provincial government ng Oriental Mindoro, nasa 13,000 nilang kababayan ang nai-stranded sa Metro Manila, Calabarzon, at Bulacan na kailangan nilang iuwi. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.