Traysikel drayber patay sa pamamaril sa Iloilo

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at May 30 2020 12:43 AM

ILOILO CITY - Patay ang isang traysikel drayber matapos pagbabarilin ng "riding-in-tandem" sa Barangay Taft North, Mandurriao, Iloilo City Huwebes ng gabi.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at dibdib si Hernani Tipanan, 33 anyos, residente ng Barangay Fajardo, Jaro.

Base sa impormasyong nakalap ng pulisya, sangkot umano sa kaso ng pagnanakaw at ilegal na droga ang biktima.

“Ongoing pa ‘yung ating follow-up. Wala pa tayong lead sa mga possible suspek,” ani Police Maj. Marlon Valencia, hepe ng Mandurriao Police Station.

Inaalam pa ng pulisya kung may iba pang motibo sa pamamaril maliban sa mga krimen na kinasangkutan ng biktima.

Sa tala ng Iloilo City Police Office, ito na ang pangalawang insidente ng pamamaril ng riding-in-tandem sa siyudad sa loob ng isang linggo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.