Guro patay sa pamamaril sa Negros Oriental

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at May 30 2020 04:51 PM

Patay ang isang guro ng pampublikong paaralan matapos barilin sa Guihulngan City, Negros Oriental, Biyernes ng gabi.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman ang biktima na si Basiledes Ledon kasama ang kaniyang mga kaibigan sa Larena Street, Barangay Poblacion nang lapitan siya ng gunman at pinagbabaril ng ilang beses.

Nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan ang 59 anyos na biktima na agad niyang ikinamatay.

Tumakas naman ang gunman at umangkas sa naghihintay na motorsiklo.

Narekober sa crime scene ang dalawang empty cartridge at isang slug ng kalibre .45 na baril.

May anggulo nang tinitingnan ang pulisya sa pagpatay sa biktima pero ayaw muna nila ito isapubliko.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.