Tindero ng itlog, patay sa pamamaril sa South Cotabato

ABS-CBN News

Posted at May 29 2018 08:18 PM

SURALLAH, South Cotabato—Patay ang isang lalaking naglalako ng itlog matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Colongulo noong Lunes ng umaga.

Tadtad ng tama ng bala ang katawan at may isang tama sa ulo ang biktimang si Arnel Saguan.

Ayon sa imbestigador na si Police Officer 2 Rex Teves, pinaulanan ng bala ng mga nakamotorsiklong salarin ang biktima sa checkpoint ng Protected Area Management Board, bandang alas-11 ng umaga.

Binabaybay ng biktima ang highway mula Lake Sebu pabalik sa bayan ng Surallah nang mangyari ang krimen, ayon kay Teves.

Nakuha mula sa pinangyarihan ng krimen ang 7 basyo ng kalibre-.45 na baril.

Posible umanong personal na galit sa biktima ang motibo sa krimen.

Katarungan ang panawagan sa mga awtoridad ng kinakasama ng biktima na tumangging magbigay ng pahayag.

—Ulat ni Francis Canlas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.