SAPUL SA CCTV: Pananalisi sa convenience store sa QC

ABS-CBN News

Posted at May 29 2018 08:31 PM | Updated as of May 30 2018 12:25 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakuhanan ng CCTV ang pagtangay ng mga kawatan sa isang kahong naglalaman ng mga call card na nagkakahalagang P17,500 sa isang convenience store sa Quezon City Lunes ng umaga.

Sa kuha, makikitang nasa loob ng convenience store sa may Mother Ignacia Avenue ang isang babaeng nakasuot ng pink na damit at lalaking nakaputing t-shirt na may dalang pulang backpack.

Wala ang kahera nang may magpunta sa counter na isang babaeng kostumer, na nilapitan at kinausap ng babaeng naka-pink.

Habang nakatalikod ang 2 babae, tiyempong gumapang ang lalaking nakaputi sa ilalim ng counter at pasimpleng kinuha ang kahong naglalaman ng ibinebentang call cards.

Magkasunod na lumabas ang lalaki at babaeng naka-pink.

Hindi nakita sa CCTV na ang isa palang kasabwat ay nagpatulong sa kahera na magbuhat ng yelo malayo sa counter kaya walang tao sa cashier noong mga sandaling iyon.

Palagay ng crew ng convenience store na si Fernando Arellano ay matagal nang pinagmamasdan ng mga kawatan ang tindahan.

"Alam na alam nila kung ano 'yong gagawin that time," sabi ni Arellano.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para matugis ang mga kawatan.

—Ulat nina Isay Reyes at Ferdie Dugay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.