Pangolin nasagip sa Palawan

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at May 27 2020 06:59 PM | Updated as of May 27 2020 08:13 PM

RIZAL, Palawan - Nasagip ang isang pangolin sa bayan ng Rizal sa Palawan noong Lunes.

Ipinaalam ng mga residenteng sina Renita Genita at Amelito Masangcap sa Barangay Ransang, sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) na may napadpad na pangolin sa lugar.

"Malapit doon sa area nila, sa old site, sa Brgy. Ransang, Rizal, itong pangolin (natagpuan) at nakita nga nila ito na palakad-lakad doon sa tabing dagat," kuwento ni Forester Jovic Fabello tagapagsalita ng (PCSD).

Babaeng pangolin ang nasagip. May haba itong 23 pulgada at may lapad na 5 pulgada. May bigat itong isa't kalahating kilo.

Normal lang daw na minsan, napapadpad ang mga pangolin sa tabing dagat. Ngunit, mabuti na rin daw na ipina-rescue ang naturang hayop bago pa makuha ng mga poachers.

"Baka makita siya ng mga poachers or yung mga hindi pa nakakilala sa pangolin is mapagkamalan siyang alien, or ibang klaseng hayop. At puwede siyang masaktan o puwede siyang mahuli, at mapunta sa illegal wildlife trade," ani Fabello.

"Kaya importante na ma-rescue ng PCSD at ma-release natin ulit sa kanyang natural habitat para masiguro natin na safe siya."

Ang mga pangolin ay kasama sa mga critically endangered species o malapit nang maubos. Itinuturing ito na "World’s Most Trafficked Mammal Species”.

Upang ipalaganap ang pagprotekta sa mga naturang hayop, tinutukan ngayon ng PCSD ang pagkilala sa mga tumutulong para ma-rescue ang mga buhay-ilang sa pamamagitan nang pagpo-post nito sa kanilang Facebook page.

"First and foremost, talaga namang totoo na kami'y natutuwa dahil parte na namin sila sa pangangalaga ng mga pangolins at iba pang wildlife. At the same time, dapat nga kasing mai-raise natin ang awareness about wildlife," sabi ni Fabello.

Inaanyayahan naman ng PCSD ang mga tao na makipag-ugnayan sa kanila ukol sa mga makikitang iligal na gawain patungkol sa mga pangolin at iba pang buhay-ilang.

Ang PCSD hotlines ay 0935-1162336 at 0948-9372200.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.