Ilang LGUs naghahanda sakaling ilagay na sa GCQ ang Metro Manila

ABS-CBN News

Posted at May 27 2020 07:15 PM | Updated as of May 27 2020 08:12 PM

MAYNILA — Naghahanda na ang ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila sakaling ipatupad ng pamahalaan ang general community quarantine (GCQ) sa rehiyon pagsapit ng Hunyo 1. 

Noong Martes ay nagkasundo kasi ang mga alkalde sa Metro Manila na irekomenda ang GCQ sa kanilang mga nasasakupan. 

Hanggang Mayo 31 ay nasa ilalim pa ng modified enhanced community quarantine ang Metro Manila, Cebu City, Laguna, at ilan pang lalawigan.

SAN JUAN CITY

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa San Juan City, gagawing rekisito para sa mga negosyante ang pagpapasa ng "return to work" plan.
    
"Iisa-isahin mo pangalan ng mga empleyado mo, tapos indicate mo dun sino dito na-quarantine, sino na-COVID, sino ang perfectly healthy... You cannot allow an employee to go back to work if hindi pa siya dumadaan dito sa proseso ng pag-screen," ani San Juan City Mayor Francis Zamora. 

Gusto anilang masigurong wala nang dahilan para katakutan ng publiko ang pagpunta sa kanilang lugar, lalo pa't minsang kinatakutan na bumalik sa Greenhills dahil sa kaso ng COVID-19.

VALENZUELA CITY

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, naghahanda na rin ang Valenzuela City sakaling malagay na sa GCQ ang Metro Manila.

Ayon kay Mayor Rex Gatchalian, hindi pa man tuluyang nasusugpo ang COVID-19, naiintindihan niyang kailangang mabuksan na ulit ang ekonomiya kahit paunti-unti lang.

Dagdag pa ni Gatchalian, mananatili pa rin ang kanilang mass testing at contact tracing na balak pa nilang palawigin.

Kahit unti-unti nang luluwagan ang ilang patakaran sa lungsod sakaling magdesisyon ang pamahalaan na mag-GCQ, mananatili pa rin ang curfew at liquor ban sa lungsod.

Pinagsusumite rin ng siyudad ng social distancing plan ang lahat ng negosyo sa Valenzuela. —Ulat nina Jorge Cariño at Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.