Bawal sukat, refund: Dep't stores naghahanda sa pagdagsa ng mga tao sa ‘new normal’

ABS-CBN News

Posted at May 27 2020 06:26 PM | Updated as of May 27 2020 08:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang paghahanda na ang inilatag ng mga mall, sakaling isailalim na sa mas pinaluwag na quarantine protocols sa Metro Manila, partikular na sa mga bilihan ng mga damit sa loob ng department stores.

Sa Fisher Mall sa Quezon City, sarado ang mga fitting room at wala munang "return and exchange" policy para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Bawal magsukat ng mga sunglasses o eyeglasses. Puwede itong hawakan pero kailangan munang mag-sanitize ng mga kamay. 

Payo ni Elle Bautista, General Manager ng mall, alamin na ang size para mas mabilis ang pamimili. 

“Sa clients, sana malaman na nila kung ano ang size nila para mas mabilis ang pamimili,” ani Bautista. 

Puwede pa rin namang magsukat ng sapatos, pero bibigyan ng plastic ang mga customer bago ito sukatin. Pagkatapos, agad itong itatapon at idi-disinfect ang sinukat na sapatos bago ibalik sa stall. 

Pinapayagan naman sa SM Makati ang pagsusukat ng mga damit at nililinisan din ang mga fitting room bago pumasok ang mga customer. 

Kapag hindi bibilhin ang mga kinuhang damit, ilalagay ito sa isang box at isasailalim sa UV disinfection bago i-display muli. 

"Pag fi-nit ni customer ang damit sa fitting room, right after that, mayroon tayong box. Doon ilagay ang items. Ilalagay namin 'yun sa UV disinfection room, with all the shoes, accessories and wares, idi-disinfect for 15 minutes,” ani Archit Sinjan, AVP Operations ng SM Makati. 

Naglunsad naman ng personal shopper apps ang ilang malls para malilmitahan ang paglabas ng mga customer sa kanilang bahay. 

Sa isang ukay-ukay store sa Pasay City hindi hinihikayat ang pagsukat ng mga itinitindang damit pero pinapayuhan nilang mag-disinfect bago pumasok at lumabas ng tindahan ang mga customer. 

Pag may papasok, kailangan umapak sa basahan namin. Kailangan din mag-alcohol sila. Di namin sila papapasukin pag walang mask,” ani Julian Aquino, may-ari ng ukay-ukay. 

Watch more in iWant or TFC.tv

'PAGHAHANDA KULANG PA' 

Gayunman, lumalabas sa inspeksyon ng Department of Trade and Industry na kinakailangan pa ng pag-ibayong ingat ang ilan pang establisimyento lalo na’t namumuro ang pagsasailalim ng Metro Manila sa GCQ. 

Batay ito sa kanilang pag-iinspeksyon ng ilang mga mall sa Metro Manila, kung saan lumabas na may ilang department store na kulang pa ang signages para sa physical distancing protocols. 

"They need to do it fast this week kasi kung next week assuming na magta-transition tayo sa GCQ, dadagsa lalo ang mga tao,” ani Trade Undersecretary Ruth Castelo 

Dagdag pa ni Castelo, babangga sa Consumer Act ang ipinapatupad na “no return, no exchange policy” ng ilang malls. 

"This is a Republic Act its promulgated and enacted by Congress,” paliwanag ni Castelo. 

Tiniyak naman ng mga mall na aaksyon agad sila lalo’t inaasahan ang pagdagsa sa susunod na linggo, sakaling ideklara nga ang GCQ sa Kamaynilaan.  — Ulat nina Bianca Dava at Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.