'Baka naman may gumagana': Duterte, ipinag-utos ang pag-rehistro sa traditional medicine - Roque

ABS-CBN News

Posted at May 27 2020 07:11 PM | Updated as of May 27 2020 07:24 PM

Medical workers prepare traditional Chinese medicine (TCM) at a TCM hospital as the country is hit by an outbreak of the new coronavirus, in Binzhou, Shandong province, China February 5, 2020. CNSPHOTO via Reuters

MAYNILA - Ipinamamadali ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Food and Drug Administration (FDA) ang proseso ng pagrehistro sa Chinese traditional medicine na posibleng magamit sa paggamot sa mga pasyenteng may coronavirus disease (COVID-19).

"Ipinag-utos na po ng Presidente yung mabilisang registration ng mga traditional medicine," sabi ni Roque. Ito ay matapos din na makadiskubre ang awtoridad ng ilegal na pagamutan para sa Chinese citizens sa Fontana Leisure Park sa Clark Freeport.

"Bagamat talagang paglabag ito sa batas natin at talagang hinuhuli 'yan, pinapasara, 'wag nating kalimutan na baka naman may ginagamot silang Tsino, baka naman may gumagana silang mga produkto," sabi ni Roque sa panayam sa Headstart.
 
"Ang importante dito, as far as the President is concerned, tingnan natin kung gumagana itong mga traditional medicine na ito. Kung gumagana, irehistro natin at subukan din natin ipanggamot sa mga pasyente pero hindi puwede nang wala man lang tayong kahit anong pagsusuri kung gumagana na o hindi,” dagdag pa ni Roque.

Sa pahayag ng Criminal Investigation and Detection Group ng Region 3, kasama ang FDA, at Department of Health sa rehiyon, nakatanggap umano sila ng impormasyon na ang villa ay ginagamit bilang health facility at botika ng Chinese-labeled medicine para sa Chinese nationals nang walang kaukulang permit o dokumento.

“There is a law that medicine cannot be practiced without being allowed to do so by the Professional Regulatory Commission and that medicines will not be marketed without registration with the FDA,” said Roque.

Nitong Abril din sinabi ng DOH na plano nilang pag-aralan ang traditional Chinese medicine bilang posibleng panggamot sa COVID-19.

Naunang nakita ang nakahahawang virus sa Wuhan City sa China at kumalat na ito sa buong mundo.

Sa pinakahuling datos ng World Health Organization nitong Mayo 26, umabot na sa 5,406,282 ang bilang ng COVID-19 cases sa buong mundo. Sa nasabing bilang, 343,562 ang nasawi.

“Kaya naman po ipinag-utos yan ng Presidente kasi syempre mas maraming karanasan sila sa sakit na ito, mas marami silang ginamit na traditional medicine. Nais din nating malaman kung gumagana ang traditional medicine na ito para magamit din natin pero kinakailangang rehistrado pa rin po sa FDA,” ani Roque.

Nito lamang Mayo, mayroong P40 milyong halaga ng hindi rehistradong medisina mula China ang nakumpiska sa isang warehouse sa Malate sa Maynila.

Pinaniniwalaan ng National Bureau of Investigation na ang medisina ay "Carrymycin,' o ang brand na ginagamit ng ilang COVID-19 patients para gumaling sa sakit.

Watch more in iWant or TFC.tv