Ginang naglakad nang 2 linggo kasama ang aso pauwi sa Negros Occidental

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at May 26 2020 08:42 AM | Updated as of May 26 2020 02:16 PM

Larawan mula kay April Rose Ubaldo

Isang 57 anyos na ginang ang naglakad ng dalawang linggo kasama ang alagang aso upang makauwi sa EB Magalona, Negros Occidental.

Larawan mula kay April Rose Ubaldo

Umuulan nitong Biyernes ng gabi nang makita ng gurong si April Rose Ubaldo ang ginang na nagpakilalang si Areta Sausa kasama ang kanyang alagang aso na si Rex sa Barangay Rizal sa Silay City, Negros Occidental.

Agad nabighani si Ubaldo sa ipinasuot na mga damit ni Sausa sa alaga nitong si Rex.

Larawan mula kay April Rose Ubaldo
Larawan mula kay April Rose Ubaldo
Larawan mula kay April Rose Ubaldo

Nagkataon na nagpapakain siya noon ng mga asong ligaw sa labas ng kanilang bahay nang makasalamuha niya si Sausa at ang alaga nito.

Nakwento tuloy ng ginang kay Ubaldo ang sinapit nito sa dalawang linggong paglalakad ng mahigit sa 80 kilometro mula sa Binalbagan, Negros Occidental bago pa man siya tuluyan naka-uwi sa kanilang bahay sa EB Magalona.

Ayon kay Ubaldo, ikinuwento ng ginang ang sinapit nitong init at lamig sa tinatahak na daan. Marahil wala raw gustong magpasakay sa kanya dahil sa ayos nito at sa mga bitbit niyang gamit, pati na sa kasama niyang aso.

Nagpapasalamat naman si Sausa sa tuwing may pagkain na inaabot sa kanya mula sa mga pulis na nagbabantay sa mga nadaanang border checkpoint.

Sa awa ay isinama ni Ubaldo sina Sausa at ang asong si Rex sa hapunan.

"She never left her dog. So, that touches me,” ani Ubaldo.

Pinilit pa ni Ubaldo at ng kanyang pinsan si Sausa bago ito sumakay ng sasakyan upang mahatid sila ni Rex sa kanilang bahay.

Nang marating ang munisipyo ng EB Magalona ay tumanggi na ang ginang na magpahatid sa kanilang bahay. Sa halip ay ipinaubaya na lamang nina Ubaldo sina Sausa at Rex sa mga tanod hanggang sa tuluyan silang nakauwi.

Agad naman nai-post ni April Rose ang kwento sa social media kaya marami sa mga netizen ang naantig at pinuri din ang mabuting loob ng guro.

"She was a model for dog lovers,” ani Ubaldo na isang volunteer ng pet advocacy group sa probinsya.

“It shows how much she adores her pet which she considers as her own friend naman siguro because anywhere she goes ay dinadala niya si Rex. Her dog is a part of her already. I just hope that with Manang and Rex many people will be inspired to also advocate for kindness not only with other people but also with the strays because they also need us especially during this quarantine. Its very fullfilling and its worth it," dagdag pa niya.

Ang grupo ni Ubaldo ang siyang naglunsad ng Pawssion Project na responsable sa pagpapakain ng mga asong ligaw sa ilang komunidad.

Hindi man sila nagkita muli ni Sausa at Rex ay umaasa siya na marami ang mapupukaw na maging responsable sa alagang hayop hanggang sa kahit anuman man pagsubok.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.