92 stranded OFW na taga-Caraga, nakauwi na

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at May 26 2020 12:35 AM

Larawan mula sa OWWA Caraga

BUTUAN CITY - Nakauwi na sa kani-kanilang probinsya sa Caraga ang 92 overseas Filipino workers (OFW) na na-stranded sa Metro Manila dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) nitong Linggo ng gabi.

Nakasuot ng face masks nang bumaba sa barko ang mga OFW at diretsong isinakay sa mga shuttle bus ng bawat probinsya na sumundo sa kanila. 

Agad silang dinala sa mga quarantine facilities ng bawat lungsod para sumailalim sa medical check up.

Magdedepende umano sa bawat lokal na pamahalaan kung isasailalim pa sila sa swab testing lalo't ang mga nakauwing OFW ay tapos nang kuhanan ng swab test at nag-negatibo ang resulta.

Sa 92 OFW na naitala ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nakauwi na, 10 ay taga-Agusan Del Sir, 15 ang taga-Agusan Del Norte, 9 ang taga-Province of Dinagat Islands, 24 ang sa Surigao Del Norte, 6 ang sa Surigao Del Sur, 18 ang taga-Butuan City, at 10 ang sa Surigao City. 

May dalawang OFW na taga-Caraga ang hindi nakasama sa pag-uwi dahil hindi pa lumabas ang resulta ng kanilang swab test.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.