50 tricycle drivers na positibo sa rapid test sa Mandaluyong inoobserbahan

ABS-CBN News

Posted at May 26 2020 05:38 PM | Updated as of May 26 2020 07:04 PM

Watch more in iWantTFC

Inoobserbahan ngayon sa Mandaluyong City ang 50 tricycle driver matapos lumabas sa rapid test na positibo sila sa coronavirus disease (COVID-19).

Naka-isolate na ngayon sa Mataas na Paaralang Neptali A. Gonzales ang mga tricycle driver kasama ang 49 na iba pang residente ng lungsod na nagpositibo rin sa rapid test.

Sa ngayon, hinihintay ang resulta ng kanilang swab test, na magsisilbing kumpirmasyon na nahawahan sila ng naturang sakit, ayon kay Dr. Emily Detaro, isolation officer sa Mandaluyong.

Ayon kay Jimmy Isidro, chief of staff ng Mandaluyong Mayor’s Office, sinadya nilang gastusan at mamuhunan sa rapid test ng mga tricycle driver para mapanatag ang mga residente.

Tinatayang nasa 7,000 ang tricycle driver sa lungsod, base sa tala ng Mandaluyong Mayor’s Office.

Kapag nag-negatibo sa COVID-19, bibigyan ng ID ang driver na magsasaad na negatibo siya sa sakit. Bahagi na raw ito ng new normal sa Mandaluyong.

“Nakapaskil ito sa loob ng sasakyan nila,” ani Isidro.

Hindi limitado sa tricycle drivers ang rapid test sa lungsod dahil isasalang din dito ang mga vendor at jeepney driver.

Nasa 1,000 naman ang bilang ng jeepney drivers sa lungsod habang 2,500 ang vendors, ayon sa tala ng Mandaluyong Mayor’s Office.

-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.