Special concern lockdown areas sa QC, nadagdagan ng 2

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at May 25 2020 11:22 PM

MAYNILA - Isinailalim sa special concern lockdown ang Certeza Compound, Barangay Culiat at Alley 2 Homart Road sa Barangay Baesa sa Quezon City.

Dagdag ito sa 11 lugar sa lungsod na unang isinailalim sa special concern lockdown.

Sa liham sa Department of Interior and Local Government (DILG), sinabi ni Assistant City Administrator for Operations Alberto Kimpo na bagama't isa lang ang COVID-19 case sa Certeza Compound, matao ang lugar kaya't mataas ang panganib ng community transmission.

Siyam naman ang COVID-19 cases at isa ang namatay sa sakit sa Alley 2 Homart Road na isa ring mataong lugar.

Magsasagawa ng rapid testing at random rapid testing sa mga lugar.

Samantala, pinag-aaralang palawigin ang unang ipinatupad na special concern lockdown sa 11 lugar sa limang barangay.

Kasama rito ang Sitio Militar sa Barangay Bahay Toro; Vargas Compound-Adelfa Metro Heights-Abanay at Ancop Canada sa Barangay Culiat; Lower Gulod sa Barangay Sauyo; 318 Dakila St., 2nd Alley Kalayaan B at Masbate St. sa Barangay Batasan Hills; at Victory Avenue, ROTC Hunters, BMA Avenue at Agno St. sa BarangayTatalon.

Mula May 21, 1,419 indibidwal na ang sumailalim sa rapid test sa naturang mga barangay.