Magkapatid na holdaper, huli

ABS-CBN News

Posted at May 24 2018 07:10 AM

MAYNILA - Arestado ang magkapatid na holdaper sa isinagawang follow-up operation ng Quezon City Police District Station 5 Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa pulisya, mga drug surrenderee ang mga suspek na nanghoholdap para umano may pambili ng droga.

"Kasi lumalakas ang loob nila kapag nagda-drugs," ani Senior Supt. Bernard Gabriel, hepe ng QCPD Station 5.

Labinlimang biktima naman ang pumunta sa estasyon nang malamang nahuli ang magkapatid.

Sinapak ng isang lalaki ang isa sa mga suspek dahil sa galit. 

Hinoldap kasi umano ng magkapatid ang kaniyang pamangkin sa Barangay Lagro noong Mayo 19.

"'Di makapagtrabaho ang pinsan ko dahil sa ginawa mo," aniya.

Nanginginig naman ang isang babae nang muling makita ang magkapatid.

Tinangay kasi ang kaniyang P84,000 na gagamitin sana niya sa mga gastusin sa bahay.

"Eh paano kung napatay mo ako? Tinutukan mo ako ng baril," aniya.

Sa sobrang galit, hindi na nakapagpigil ang babae at pinagtatadyak ang isa sa mga suspek.

Umamin naman ang magkapatid at humingi ng tawad sa kanilang mga nagawa.

"Pasensiya na po sa mga nagawa namin. Pantawid gutom lang namin 'yun," pahayag ng isa sa mga suspek.

Mahaharap sa kasong robbery ang magkapatid. - ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.