'Lord of Scents,' 'natangayan' ng P40 milyon, nagdemanda

ABS-CBN News

Posted at May 24 2018 10:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kinasuhan ng "Lord of Scents" na si Joel Cruz ang isang negosyanteng nakabase sa Brunei dahil sa umano'y tinangay na tinatayang P40 milyon.

Isinampa ni Cruz ang kasong swindling o estafa laban sa businesswoman na si Kathelyn Dupaya. 

Sabi ni Cruz, nabigo siya mula pa noong nakaraang taon na makolekta ang kaniyang investment at tubo sa mga negosyo ni Dupaya sa Brunei. 

"Starting December 5, 2017 up to now, wala na siyang ibinigay na interes na promise niya may 6 percent interest doon... It's Philippine money, P29,750,000 plus US$200,000 [ang ipinuhunan ko], ani Cruz. "Kung nasa P52 ngayon ang rate, nasa P40 million na lahat-lahat."

Idinetalye din ni Cruz kung paano siya niloko ni Dupaya na ibabalik ang kaniyang investment sa pamamagitan ng pekeng bank transaction at alahas na di naman dumating.

Hindi nag-iisa si Cruz sa reklamo kay Dupaya. 

Ibinunyag din nina Sunshine Cruz, Ynez Veneracion, at Diane Medina na hinihintay pa nila ang tubo sa kani-kanilang investment.

"Feeling ko po at feeling naming lahat, nai-scam kami," ani Medina.

Ayon naman kay Dupaya, hindi siya umaatras sa utang niya kay Cruz.

Masyado lang daw mataas ang interes na pinataw nito sa kaniya.

Umuutang na rin daw siya para makabayad.

Saad ng pahayag ni Dupaya: "I acknowledge my debt to Mr. Joel Cruz. I was able to pay more [than] P17 million of this debt. He was charging me 1% a day on balance and this caused his total demand on me to be as large as he says this debt is. I am in the process of securing a loan. He agreed to wait on these loans I am securing against my properties. I fully intend to pay my debt granted we come to reasonable terms and a humane computation on interests accrued."

Buwelta naman ni Cruz, ang interest sa unpaid obligation ay nakasaad sa kanilang kontrata. 

Nakatakda namang lumabas sa susunod na linggo ang iba pang artista, overseas Filipino worker, at iba pang pribadong indibidwal para magreklamo rin umano laban kay Dupaya.

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.