Zamboanga Airport, inihahanda na para sa balik-biyahe ng mga commercial flights

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at May 20 2020 08:36 PM

ZAMBOANGA CITY - Naglalatag na ng mga hakbang kontra COVID-19 ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa Zamboanga International Airport bilang paghahanda sakaling magbalik operasyon na ang mga commercial flights dito. 

Ito'y sa gitna ng kakulangan pa rin sa personal protective equipment para sa frontliners ng paliparan na kakailangan sa "new normal" o ang panahon na balik-operasyon na habang patuloy ang banta ng coronavirus disease, ayon kay Antonio Alfonso, CAAP area manager. 

"We are not fully prepared. Bakit ko po nasabi na we are not fully prepared? Dahil ang ating mga PPEs (personal protective equipment) for frontliners, dahil may mga protocols tayo sa new normal, hindi pa natin nakumpleto ang procurement. So I cannot say na fully prepared na tayo, pero may mga mitigating measures tayong ginagawa," paliwanag ni Alfonso.

Aniya, naglagay na sila ng mga marker papasok pa lang sa departure area hanggang sa check-in counter area ng paliparan.

Ito'y para masunod nang maayos ng mga pasahero ang physical distancing sa gitna ng patuloy na banta ng coronavirus disease. 

May mga marker din na inilagay sa baggage conveyor area sa arrival hall ng paliparan para mapanatili ang isang metrong distansya sa mga pasahero. 

May mga medical personnel din silang itatalaga para tingnan ang body temperature ng mga pasahero.

Ayon kay Alfonso, lilimitahan din nila sa 200 pasahero ang puwedeng pumasok sa pre-departure area, para masunod pa rin ang physical distancing.

Magpapatupad din sila ng 4-hour interval ng mga local flights para hindi magdagsaan sa paliparan ang mga pasahero sa parehong oras.

"So initially ang tinitingnan natin sa opening day natin kung may mga flights na, hindi agad makaka-launch ng full schedule ang ating mga airlines, so most probably hindi pa din full ang ating pasahero. And then we are also limiting, based on the reduced capacity ng ating terminal building, ili-limit natin ang number of passengers to 200. So hindi puwedeng pumunta sa terminal building o sa airport 'yung mga wala pang schedule na flight," ani Alfonso.

Bukod dito, lilimitahan na rin ang bilang ng mga taong puwedeng pumasok sa airport compound para sunduin at ihatid ang mga kaanak o kaibigan na aalis.

Hanggang parking area na lang din ang mga kaanak na susundo o maghahatid.

Ayon kay Alfonso, lahat ng mga bagong regulasyong ito ay ipatutupad sa oras na magbalik-operasyon na ang mga commercial flights, na hanggang ngayon ay nananatiling suspendido dahil sa general community quarantine sa Zamboanga City at buong Western Mindanao.

Paalala niya sa mga pasahero, dapat sumunod nang maayos sa mga new normal policy sa paliparan, gaya ng pagsuot ng face mask, palagiang paghuhugas ng kamay o paggamit ng alcohol.

Sa ngayon, pawang mga government-facilitated flights at cargo delivery ng mga medical supplies lang ang pinapayagan sa paliparan ng lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.