Babae, nabiktima ng online boyfriend, nawalan ng P100,000

ABS-CBN News

Posted at May 18 2018 10:39 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Isang babae ang nawalan ng P100,000 matapos lokohin ng kaniya umanong foreigner na boyfriend na nakilala lamang sa isang dating site.

Ayon sa 45 anyos na si alyas "Jane," pinangakuan umano siya ng kaniyang British boyfriend ng pera at kasal kahit dalawang buwan pa lamang silang magkarelasyon at hindi pa nagkikita.

"Marami siyang 'I love you' so du'n na lang ako na-attach sa kaniya. Patuloy ang pag-uusap namin through messenger. 'I really like you then I will send you some money,' $500,000, pambili ko daw ng bahay," kuwento ng biktima.

Ngunit naipit umano sa airport ang ipinadalang box ng kaniyang boyfriend dahil sa buwis na P100,000.

Pumayag si Jane na sagutin ang buwis at idinaan ang bayad sa best friend umano ng kaniyang boyfriend na si Thomas Miller.

Pero kailangan pa umanong magbayad ni Jane ng P2.4 million kay Miller dahil black money ang laman ng kahon at kailangang bumili ng kemikal para gawing pera ang itim na papel.

Dito na nagduda si Jane kaya nagsumbong siya sa National Bureau of Investigation Special Task Force (NBI-STF).

Agad inaresto ng NBI-STF si Miller na tumanggap ng entrapment money. 

Ayon sa NBI-STF, nabiktima si Jane ng pinagsamang sindikato ng 'I love you honey,' 'advance payment,' at 'black money' modus.

Itinanggi naman ni Miller ang krimen at sinabing isa siyang turista mula South Africa. Napag-utusan lang din umano siya ng boyfriend ni Jane.

Hindi na nabawi ng biktima ang pera dahil naipamigay na umano ito ni Miller.

Kulong si Miller sa kasong estafa.


--Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.