Caraga region, wala nang kaso ng COVID-19 matapos gumaling ang 3 pasyente

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at May 13 2020 09:29 PM

BUTUAN CITY - Wala nang aktibong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Caraga region matapos gumaling ang ikatlong pasyenteng nagpositibo sa sakit.

Ayon kay Department of Health Caraga Regional Director Dr. Jose Llacuna Jr. nitong Miyerkoles, clinically recovered na ang 65-taong gulang na pasyenta mula Butuan City. Wala na rin itong lagnat at ubo.

Martes nang dumating ang resulta ng follow-up laboratory test sa pasyente kung saan lumabas na negatibo na ito sa COVID-19.

Ang pasyente ay walang history of travel, pero na-expose ito sa kanyang anak na galing sa Matina Derby sa Davao noong Marso.

Abiso ng DOH na ugaliing maghugas ng kamay, panatilihin ang physical distancing at manatili sa mga bahay upang maiwasang mahawa sa sakit na COVID-19.

Kasalukuyan pang hinihintay ang resulta ng COVID-19 test sa 76 na iba pang suspected case sa rehiyon.

Umabot na sa 11,618 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa buong Pilipinas, kung saan 772 na ang namatay at 2,251 ang gumaling.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.