Mga magsasaka sa Albay maagang nag-ani dahil sa bagyong Ambo

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at May 12 2020 06:33 PM | Updated as of May 12 2020 07:29 PM

Nagpalabas na ng direktiba ang Provincial Agriculture Office na i-harvest na ang mga puwedeng anihin bilang paghahanda sa bagyong Ambo. Screengrab

Maagang nag-ani ang mga magsasaka sa Albay nitong Martes bilang paghahanda sa inaasahang hagupit ng bagyong Ambo, ang kauna-unahang bagyo na tumama sa Pilipinas ngayong 2020.

Habang hindi pa bumubuhos ang ulan na posibleng dala ng bagyong Ambo, nagkumahog na ang mga magsasaka na anihin na ang mga pananim na palay na dapat ay sa Biyernes pa nila gagawin.

Watch more in iWantTFC

Si Alvin Llena, aminado na may masasayang sa mga palay na inani dahil hindi pa hinog ang iba.

Pero aniya, mahirap nang magtiwala sa panahon ngayon lalo't alam niya na ang epekto sa Albay ng mga nagdaang bagyo.

Si Hector Sanchez at ang kaniyang ama naman, nababahala sa posibleng epekto ng bagyong Ambo. Nagpapasalamat sila dahil may buyer ng mga pakwan na hinarvest nila ngayong araw.

Pero ang lubos nilang ikinakabahala ang mahigit isang ektaryang taniman ng pakwan na malilit pa ang karamihan sa mga bunga.

Mga dalawang linggo pa puwede itong anihin at kung malulubog sa baha ay hindi na mapapakinabangan pa.

"Pag mataas ang tubig, binabaha itong ano pakwanan namin eh ang liliit pa hindi pa puwedeng i-harvest," sabi ni Sanchez. 

Si Norberto de Lima, nagpapasalamat naman dahil may namili ng mga naani niyang kalabasa.

Nagpalabas na ng direktiba ang Provincial Agriculture Office na anihin na ang mga puwedeng anihin bilang paghahanda sa bagyong Ambo. 

"Kahit 80 to 85 percent na hinog na puwede na pong anihin natin meron po tayong combine harvester diyan lalo na sa Tula Tula na puwede hiramin para ma-harvest nang madalian," sabi ni Che Rebeta, provincial agriculturist.

Mas mahirap ngayon ang sitwasyon para sa mga residente ng Albay dahil doble rin ang kanilang pag-iingat dahil sa banta ng COVID-19. 

Ayon sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA, posibleng mag-landfall ang Ambo sa Albay o Sorsogon sa Huwebes. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.