Aide ng tumatakbong vice mayor sa Oriental Mindoro, patay sa ambush

ABS-CBN News

Posted at May 11 2019 04:54 PM

Patay sa pananambang ang biktimang si Benjamin Alegria, aide ni Marlon Nuarin, ang tumatakbong vice mayor sa bayan ng Victoria sa Oriental Mindoro. Kuha mula sa video ni Bayan Patroller Cris Bundoquin

VICTORIA, Oriental Mindoro – Patay ang aide ng isang kumakandidato sa pagka-bise alkalde ng bayan nang tambangan ng mga di pa kilalang salarin, Sabado ng umaga.

Nakuhanan pa ni Bayan Patroller Cris Bundoquin habang ibinaba sa sasakyan ang bangkay ni Benjamin Alegria, 38, 20 taon nang aide ni Marlon Nuarin, isang vice mayoral bet sa bayan.

Hinarang umano ng anim na hindi pa kilalang armadong lalaki ang sasakyan lulan ang aide at tatlo pang supporter ni Nuarin sa bahagi ng Barangay Villa Cerveza. 

“Akala nila ako sakay. Personal na sasakyan ko 'yun, binaril 'yung goma,” kuwento ni Nuarin.

Pinababa umano si Alegria saka binaril sa ulo at dalawang beses naman sa magkabilang braso. Pinaalis naman ng mga suspek ang tatlo pang kasama ni Alegria mula sa sasakyan. 

Kaagad na umalis papunta sa direksyon ng Barangay Alcate ang mga suspek lulan ng isang puting Toyota van at purple na Ford Everest na kapwa walang plaka.

Sa panayam ng Bayan Mo, iPatrol Mo kay Nuarin, hindi ito aniya mangyayari kung regular lang sana ang checkpoint ng pulis sa mga oras na iyon. Kinailangan pa nilang tumawag ng pulis at militar para may rumesponde sa pinangyarihan ng pagpatay.

“Nananawagan ako sa PNP (Philippine National Police) at sa armed forces, ang daming kumakalat dito ngayon mga naka-armalite, naka-sibilyan, naka-private na sasakyan. Dapat nagko-conduct sila ng checkpoint. Bakit hindi sila nagko-conduct ng checkpoint?” sabi ni Nuarin.

Ayon kay Police Capt. Jemorie Vergara, officer-in-charge ng Victoria Police, may checkpoint naman sa lugar pero may schedule lamang sila ng mga tao dahil umano malayo ang nasabing barangay mula sa sentro ng bayan.

Hindi pa rin masabi ni Vergara kung maituturing na election-related violence ang insidente na nangyari dalawang araw lamang bago ang eleksyon. Patuloy ang kanilang ginagawang imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.