Lalaking nagpanggap na Air Force officer, huli sa checkpoint sa Pampanga

ABS-CBN News

Posted at May 10 2020 02:59 PM

Bukod sa suot na uniporme, may nakuha pang isnag klase ng Air Force uniform sa sasakyan ni Michael Aspuria.

Arestado ang isang lalaking nagpanggap na miyembro ng Philippine Air Force sa isang checkpoint sa bayan ng Apalit, Pampanga nitong Sabado.

Kinilala ang lalaki na si Michael Aspuria, 44, na walang maipakitang quarantine pass nang sitahin sa checkpoint at nagpakilalang isang colonel sa Air Force at deputy commander umano ng WC 420th SW sa Clarkfield, Pampanga.

Nang hanapan ng service ID, wala itong maipakita at tila nagalit pa sa mga naninitang pulis. Binantaan pa niya ang mga ito na ipatatanggal sa serbisyo.

Sa beripikasyon ng pulisya, napag-alamang peke ang Air Force ID nito.

Bukod sa kaniyang suot na uniporme, may nakuha pang isang klase ng Air Force uniform sa sasakyan ni Aspuria. Hinuli rin ang kaniyang kasama na si Abner Angeles, 58.

Mahaharap ang dalawa sa patong-patong na kaso ng unjust vexation, disobedience upon an agent of a person in authority, unlawful utterances, usurpation of official function/authority, at paglabag sa quarantine measures. --Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.