Tondo residents na nakatira sa barong-barong idinaing ang 'hard lockdown'

Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Posted at May 04 2020 06:39 PM | Updated as of May 04 2020 08:52 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Patuloy ang Philippine National Police (PNP) sa pag-aresto sa mga lumalabag sa hard lockdown na pinaiiral sa district 1 ng Tondo, kung saan naitala ang ikalawang pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa lungsod sunod sa Sampaloc.

Mula nung pinairal ang hard lockdown noong Linggo, lagpas 200 na residente na ng Tondo district 1 ang naaaresto dahil sa paglabag dito.

Sa hard lockdown, suspendido ang lahat ng quarantine pass at bawal ang sino mang lumabas kahit para bumili ng pagkain.

Mayrong mga residente na lumalabas at nakikiusap pero hindi umuubra ang dahilan.

"Bibili lang po ako ng yelo... Para sa drinks po kasi birthday ng anak ko," ayon sa residente, pero di pa rin siya pinayagan.

Higit 1,000 pulis ang ipinakalat ng lokal na pamahalaan para siguruhing maipatutupad ang hard lockdown.

"Malaki na ang improvement, kita mo wala nang tao. Kahapon talagang sinusubukan nila kami... Alam naming hindi ito madali pero kailangan sundin ang batas," ani Police Col. Nicholas Salvador, deputy director for operations ng Manila Police District.

Pag-alis ng mga pulis, ikinuwento ng mga residente kung gaano kahirap ang hard lockdown para sa kanila.

Sa liit ng mga barong-barong ng mahihirap na komunidad, madalas ang mismong kalsada ay parte na ng kanilang bahay.
    
Sa kalsada sila nagluluto, naghuhugas, naliligo, at minsan nagbabanyo. Kalsada ang kanilang bakuran at tambayan.

"Kita mo, ang baba ng yero namin. Sobrang init! Para kaming iniihaw! Wala pang tubig, di kami makapag-igib," ani JR Astor, residente sa Happyland.

Lalo namang hirap sa init at sikip ang pamilya ni Morite Laurente na 6 sa loob ng kanilang masikip na bahay.

"Sobrang init dito, napakahirap. Ni hindi kami makapaghugas ng plato. Dito lang kami sa may pinto nagluluto," aniya.

Puno naman ng mga arestadong residente ang mga covered court ng district 1 kung saan agad pinoproseso ng PNP ang kanilang mga papeles at sinasampahan agad ng kasong paglabag sa Bayanihan To Heal As One Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.