18 na inaresto sa QC noong Labor Day pinalaya na

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at May 03 2020 10:46 PM

MAYNILA — Pinalaya na nitong Linggo ang 18 tao na inaresto sa Quezon City noong Mayo 1, Labor Day, matapos pagbintangang nagsasagawa sila ng kilos protesta sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine. 

Noong Sabado ay sinampahan ng mga kasong paglabag sa Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act (RA 11332) at Public Assembly Act ang 18 naaresto. 

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD) Public Information Office nitong Linggo, "released for further investigation" ang mga naarestong kinabibilalangan ng 3 estudyante ng University of the Philippines. 

Sabi ng legal counsel ng grupo na si Sol Taule, sasalang sa preliminary investigation ang kaso at doon mabibigyan ng pagkakataon ang 18 na sagutin ang mga alegasyon.

Bintang kasi ng mga awtoridad, nag-rally sila noong Labor Day sa Maparaan corner Kalayaan Avenue.

Ayon naman sa Tinig ng Plaridel, ang opisyal na student publication ng UP College of Mass Communication, nagsasagawa ng feeding program ang grupo at hindi rally. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.