Babae na tinalo ang kanser, pasado sa 2018 Bar exams

ABS-CBN News

Posted at May 03 2019 09:22 PM

Watch more in iWantTFC

Kabilang sa mga pumasa sa 2018 Bar exam ang isang babaeng pinag-aral ang sarili habang nilalabanan ang sakit na cancer.

Sa paglabas ng resulta ng isa sa pinakamahirap na pagsusulit sa bansa, hindi maiwasan ni Maria Eloisa Quijano-Manalo na maging emosyonal habang inaalala ang dagok na sinuong niya maging abogado lang. 

"I was really crying [when I saw the result] kasi ito na 'yung culmination ng everything I've been through... My journey was really a story of suffering, hardship, sacrifice and faith," aniya. 

Kuwento ni Manalo, working student siya noon para lang mapag-aral ng sarili. Pero lalong naging mahirap ang buhay noong ikalawang taon niya sa pag-aaral ng abogasya dahil na-diagnose siyang may thyroid cancer.

Pero imbes na panghinaan ng loob, ginamit niya ito bilang lakas upang lalong magpursige. 

"Iba pala 'yung pakiramdam kapag nalaman mo na may cancer ka, you may die tomorrow, paano na yung pangarap mo? Pero inisip ko this is really what I wanted, sa tingin ko this is my purpose," paliwanag niya. 

May pagkakataon daw na kalalabas pa lang sa ospital matapos operahan at tanggalin ang kaniyang thyroid pero dumiretso siya sa exam dahil hindi pinayagan ng professor na ipagpaliban ito.

Pero lahat iyon, kinaya ni Manalo para lang sa pangarap.

"Ilang beses ko pinag-isipan kung titigil na ako pero kapag naiisip ko kasi 'yung sakripisyo ko para sa pangarap na ito, bumabalik ako. Maybe I will die fulfilling this dream," sabi niya. 

Ngayong nakamit na ni Manalo ang pangarap, nais niyang magsilbing patunay na lahat ng pagsubok ay malalampasan basta magsikap at magtiwala sa sarili. 

"There's no formula for success but plain hardwork and prayers, 'yung faith ninyo na makakaya ninyo," ani Manalo. —Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.