Labor Day 2020 may online protests, noise barrage na may physical distancing

ABS-CBN News

Posted at May 01 2020 06:18 PM | Updated as of May 01 2020 11:08 PM

Sa pamamagitan ng mga online protest at mga noise barrage sa bahay muna idinaan ng mga grupo ang kanilang panawagan ngayong may enhanced community quarantine. Screengrab

Nagmistulang ordinaryong araw ang Labor Day ngayong may umiiral na enhanced community quarantine. 

Pero ang mga protesta, inilipat online sa halip na gawin sa mga karaniwang protest areas ngayong may enhanced community quarantine sa Metro Manila. 

Sa pamamagitan ng mga online protest at mga noise barrage sa bahay muna idinaan ng mga grupo ang kanilang panawagan ngayong may enhanced community quarantine. 

Watch more in iWantTFC

Kasama si Bayan Secretary-General Renato Reyes sa mga nag-kilos protesta online. 

“Hindi mang magkita kita sa Mendiola napakinggan ang ibat ibang mensahe. Buhay ang diwang palaban,” aniya. 

Nauna nang nagsabi ang Philippine National Police na kung maaari ay iwasan ang mga kilos-protesta dahil maaring lumabag ito sa physical distancing dahil sa COVID-19. 

Sumama rin ang SENTRO sa mga nagsagawa ng protesta. 

Binigyang diin nila ang kahalagahan ng pagdiriwang ng Labor Day para sa mga millennial. 

“Importanteng malaman nila na kung wala ang kilusang unyon wala ho tayo ngayong minimum wage wala tayong eight hours na trabaho wala ho tayong personal leaves katulad ng sick leave paternity leave maternity leave social security at kahit yung karapatan nating bumoto,” ani Josua Mata, Secretary-General ng grupo. 

Pero may iilan na tinuloy ang kanilang protesta sa Iloilo, at Marikina, na pawang inaresto.

Nasa 10 ralyista na nagsagawa ng soup kitchen ang mga naaresto. 

Pawang lumabag umano sila sa enhanced at general community quarantine. 

May ilang transport groups din na nagprotesta sa umano’y mabagal na pagdating ng ayuda mula sa gobyerno. 

Naghugas sila ng alcohol, at nagsuot ng face mask at siniguro ang pagpapanatili ng physical distancing. 

May iilan, gaya ng mga taga- Bukluran ng Manggagawang Pilipino na nagprotesta sa Tondo, Maynila nang naka-physical distancing. 

Nag-noise barrage ang grupo para ipanawagan ang pagtugon sa kapakanan ng mga frontliner ngayong panahon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Umapela rin ang grupo sa gobyerno na tiyaking naibibigay ang mga benepisyo sa mga manggagawa gaya ng tamang pasahod at hazard pay para sa mga frontliner. 

Nais din nila ng rapid mass testing sa lahat ng mga manggagawa bago pabalikin sa trabaho. 

-- May ulat nina Raffy Santos at Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.