#NasaanAngAyuda: 'Virtual' Labor Day protest kasado na

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 07:25 PM

MAYNILA — Kasado na ang "virtual" protest na isasagawa ng mga labor groups sa paggunita sa Labor Day sa Mayo 1, Biyernes. 

Ito ang naisip na paraan ng mga grupo lalo't bawal ang malakihang pagtitipon sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine kontra pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Ayon sa grupong Defend Jobs Philippines, highlight ng protesta ang panawagan para sa agarang ayuda, proteksyon sa karapatang pantao, at epektibong pagtugon sa health concerns.

Sa virtual Labor Day march, inaanyayahan ang mga manggagawa na isuot ang uniporme sa trabaho, gumawa ng placard laman ang mga reklamo, mag-selfie, at i-post ang retrato sa social media gamit ang hashtag na #NasaanAngAyuda at #VirtualLaborDayMarch.

Bukod sa online protest, may offline activity din daw ang mga labor groups sa iba't ibang lugar at komunidad, pero hindi muna nila isinapubliko ang detalye nito. 

Tiniyak ng grupo na susunod sila sa physical distancing.

Nauna nang inanunsyo ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na sa halip na mag-rally sa kalsada, bagong bihis ang protesta dahil sa social media idadaan ng iba't ibang grupo ng manggagawa ang kanilang mga panawagan at hinaing sa gobyerno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.