Suplay ng kuryente sapat para sa halalan: DOE

ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2019 03:59 PM

MAYNILA — Iginiit ng Department of Energy (DOE) na malabong magkaroon ng blackout o pagkawala ng kuryente sa araw ng halalan sa Mayo sa kabila ng serye ng rotating brownout na ipinatutupad sa ilang bahagi ng bansa. 

Sa isinagawang DZMM #HandaNaBaKayo Halalan 2019 Forum nitong Sabado, sinabi ni Patrick Aquino, DOE director for Energy Policy and Planning Bureau, na "sapat" ang suplay ng kuryente para tugunan ang pangangailangan sa Mayo 13.

"Mayroon po tayo sapat na supply ng kuryente... [Kaya] malaki ang posibilidad na walang brownout tulad ng nabanggit maliban lang kung may bumagsak na planta," sabi ni Aquino.

Noong nakaraang tatlong linggo, patuloy ang pagsadsad ng Luzon grid sa yellow at red alert. 

Inilalagay ang grid sa yellow alert kapag "kulang" ang suplay ng kuryente habang red alert naman kapag halos wala nang natitirang suplay.

Sabi naman ng Commission on Elections (Comelec), kahit pa mawalan ng kuryente ay de-baterya daw ang vote counting machines kaya't gagana pa rin ito at mananatili ang integridad ng mga boto. 

"From voting up to transmission, kaya 'yan ng baterya. Ibig sabihin, kahit brownout magkakaroon pa rin ng electronic transmission," paniguro ni Comelec spokesperson James Jimenez. 

Sa imbestigasyon sa Senado noong Biyernes, sinabi na rin ng DOE na mababa ang inaasahan nilang demand sa kuryente sa halalan dahil isa itong special non-working holiday.

— Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.