State of calamity, idineklara sa Boracay; rehabilitasyon, umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2018 10:09 PM | Updated as of Apr 26 2018 10:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Idineklara nitong Huwebes ni Pangulong Rodrigo Duterte ang state of calamity sa Boracay, kasabay ng pagpapasara at pag-arangkada ng rehabilitasyon sa naturang tourist destination.

Nilagdaan ni Duterte ang Proclamation No. 475 na naglalagay sa mga barangay ng Balabag, Manoc-Manoc, at Yapak sa bayan ng Malay, Aklan sa ilalim ng state of calamity.

Mapabibilis ng proklamasyon ang paglabas ng pondong kakailanganin para sa pagsasaayos ng isla, na dating tinawag ni Duterte na "cesspool" o imbakan ng dumi dahil sa problema nito sa polusyon.

Balak din ng gobyernong maglabas ng P2 bilyong pondo para sa mga manggagawang maaapektuhan ng anim na buwang pagsasara.

Ayon sa mga kawani ng gobyerno, may draft na rin ang executive order (EO) sa pagpapasara sa isla.

"A verbal order has legal effect and this EO will just be a documentation," sabi ni Interior and Local Government officer-in-charge Eduardo Año.

Watch more in iWant or TFC.tv

REHABILITASYON

Samantala, puspusan naman ang ginagawang paglilinis sa Boracay sa unang araw ng pagsasara nito.

Gamit ang lambat, sinuyod ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga baybayin at kinuha ang mga lumot sa gilid ng dagat.

Ayon sa opisyal ng DENR, normal lang ang "algae bloom" kapag mainit ang panahon pero ang sobrang daming lumot ay palatandaang madumi ang dagat. 

"Mayroon din silang season, kumbaga, ang algae. Kaya nga lang in the past, makikita mo, tolerable," sabi ni Emelyn Peñaranda, assistant chief ng DENR Western Visayas Conservation and Development Division.

Nakiisa rin ang mga residente ng Boracay sa paglilinis sa Bulabog Beach, kung saan inilalabas ang tubig mula sa drainage system ng isla.

Ikinatuwa ng residenteng si Diolena Orbina ang rehabilitasyon sa isla.

"Very proud kami na binibigyan ng atensiyon ng gobyerno," aniya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Umarangkada rin nitong Huwebes ang pagtibag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga pader at sidewalk sa kahabaan ng main road ng isla.

"Aayusin namin 'yong road. Kukunin namin 'yong 12 meter na right-of-way tapos gagawa kami ng wider road with wider sidewalk na may bike lane," ani Public Works and Highways Secretary Mark Villar.

Inaasahang 200 establisimyento ang tatamaan ng demolition para paluwagin ang 5 kilometrong kalsada na bumabagtas mula sa timog hanggang hilagang bahagi ng isla.

Nais ni Villar na matapos ang demolition bago matapos ang Abril para makapagsimula ang konstruksiyon sa Mayo.

Inamin naman ng pamahalaan na bahagyang naantala ang road-widening project dahil nahirapan silang kumuha ng demolition permit at stoppage order mula sa lokal na pamahalaan.

Pero matapos makipagpulong ang mga kalihim ng gabinete kay Malay Mayor Ciceron Cawaling, agad pinirmahan ng alkalde ang mga papeles at permit sa pag-demolish.

"Ngayon lang napirmahan dahil 'yon nga, siyempre kailangan muna nating hintayin 'yong guidelines. Mahirap naman 'yong gagalaw tayo na walang tamang guidelines o prosesong mangyayari," ani Cawaling.

Ayon naman kay Environment Secretary Roy Cimatu, hihingin din nila ang pulso ng mga taga-Boracay sa mga pagbabagong gagawin sa isla.

"Dapat ma-consult din talaga 'yong natives here na naka-stay because this is really their island eh," ani Cimatu.

Ipababaklas din ang mga gusaling ilegal na ipinatayo ng mga resort sa ilang bahagi ng isla.

Watch more in iWant or TFC.tv

PAHIRAPANG MAKAUWI

Kung nabalot ng katahimikan ang Boracay, iba naman ang naging lagay sa Caticlan, Aklan dahil sa pagkukumahog ng daan-daang turista para makauwi sa kanilang mga tahanan.

Maging ang mga buntis at matatanda ay nakikipaggitgitan sa pagkuha ng bus ticket.

Ang turistang si Layla Pallado, halos limang oras nang naghihintay para makakuha ng bus ticket kasama ang kaniyang 2 taong gulang na anak.

"Kawawa 'tong anak ko, naipit kanina eh. Tapos pinababa kami kasi wala nang maupuan," kuwento ni Pallado.

Nairita rin ang turistang si Francisca Diamane.

"Sana bigyan nila kami ng pansin dito. Tingnan mo 'yong mga tao, walang pormal na pila," aniya.

Ayon naman sa isang dispatcher, hindi inasahan ng mga bus company ang pagdagsa ng napakaraming turista.

"Buhos na po eh. Lahat naglalabasan na from Boracay tapos samahan pa ng mga nanggagaling sa RORO (roll-on/roll-off ships)," anang dispatcher na si Ariel Escota.

Kung problema ang mga papauwi, maayos naman ang sistema ng mga papasok sa isla.

Punong abala ang mga tauhan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Metro Boracay Police Task Force para panatilihin ang kaayusan sa pila.

Diretsong papapasukin sa puwerto ang residente ng Boracay basta may maipakitang barangay ID habang terminal pass naman sa mga manggagawang hindi residente ng isla.

Itinigil na ang pagtanggap ng aplikasyon para sa terminal pass pero ang mga manggagawang walang permiso ay maaaring magpalista at mag-iwan ng kanilang ID.

SEGURIDAD

Ayon kay Philippine National Police chief Director General Oscar Albayalde, mahalagang bantayan ang mga point of entry sa isla.

"Nakita naman natin na napaka-smooth 'no, nasa ganda ng preparation nila," sabi ni Albayalde. "Napakarami nating police dito kaya wala tayong nakikitang problema rito."

Marami ang nabigla nitong Huwebes sa dami ng pulis na ipinadala sa isla pero iginiit ni Albayalde na hindi "overkill" ang deployment.

"It's better to be overkill rather than ma-underestimate natin 'yong situation. It's better to deploy sobra-sobra na tao kung talagang kinakailangan instead na masingitan tayo," ani Albayalde.

Nagbabala rin si Albayalde sa kaniyang mga taong nasa Boracay na huwag makituloy sa mga resort at hotel sa isla.

"Para maiwasan natin 'yong, mamaya magkakulay pa 'yan o mapagbintangan pang may mawala," paliwanag ng hepe.

Pinalibutan ngayon ang isla ng mga sasakyang pandagat ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard, na nagbabantay sa mga papasok na walang permit o hindi residente.

Ipinatupad na rin ang no-swimming policy. Tanging mga residente lang ang maaaring lumangoy sa mga itinalagang lugar.

-- Ulat nina Jeff Canoy, Joyce Clavecillas, Katrina Domingo, Kevin Manalo, at Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.