12,000 turista, lumisan mula Boracay sa bisperas ng shutdown

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2018 10:06 PM | Updated as of Apr 26 2018 09:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Libo-libong turista ang umalis ng Boracay nitong Miyerkoles, isang araw bago simulan ang anim na buwang pagsasara ng isla para bigyang daan ang rehabilitasyon nito.

Ayon sa port administrator ng Cagban Jetty Port, aabot sa 12,000 turista ang umalis ng isla sa bisperas ng shutdown.

Malaking pagkakaiba umano ito sa karaniwang 4,000 tourist departure kada araw.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kabilang sa mga umuwing bakasyonista ang dayuhang magkasintahang sina Mikel Calle at Andrea Fernandez, na dapat sana'y mananatili pa sa Boracay pero kinailangan nang umalis dahil sa naturang shutdown.

"It was really fun. The people were really nice with us. We love it. So yeah, it's really sad that we're leaving already," ani Calle.

"We hear about the news and we check. And it was just, we had just three days to stay in Boracay and tomorrow, it's closed," dagdag naman ni Fernandez.

May isang grupo naman na kararating pa lang sa isla nitong Miyerkoles ay agad ding umalis noong hapon.

Nagdulot din ng mabagal na daloy ng mga sasakyan ang salubungan ng mga turista sa port.

PAGKUHA NG TERMINAL PASS

Samantala, tinitingnan naman ng mga awtoridad ang posibilidad na palawigin pa ang deadline sa pagkuha ng terminal pass para sa mga manggagawa sa isla.

"Nakikita natin na marami pang nag-a-apply so pagbigyan na natin," sabi ni Cagban Port Administrator Niven Maquirang. 

Alas-singko ng hapon nitong Miyerkoles ang deadline sa lahat ng mga empleyado ng isla na kukuha ng terminal pass, na magsisilbing pahintulot upang sila'y makapasok at makalabas ng Boracay.

Umabot na sa 7,500 ang nag-aplay pero inaasahang dadami pa ito.

Kabilang ang security guard na si Raymund Zonio sa mga maiiwan sa isla sa gitna ng rehabilitasyon.

"Mahirap pero tiyaga lang kasi maraming tao na gustong makakuha ng gate pass din para makalabas-pasok," sabi ni Zonio.

May mga informal worker namang nahihirapang makakuha ng terminal pass dahil sa kakulangan sa rekisito.

Ikinalungkot naman ng mga musikero sa Boracay ang pagsasara ng isla dahil mawawalan sila ng pagkakakitaan bunsod ng pagsara ng mga establisimyento. 

"Wala kaming puwedeng tugtugan na pupuwede kaming i-compensate," sabi ng musikerong si Ed Patenio.

"Hindi madali ang buhay dito sa isla. Ultimo lahat ng mga worker na 'yan, sabihin mo taga-isla 'yan, mga minimum wage niyan, mababa din so pati 'yong mga musikero rito," anang musikerong si Arstrong Clarion. 

Ang iba sa mga musikero'y naghanap na umano ng trabaho sa ibang lugar.

Watch more in iWant or TFC.tv

TULONG PINANSIYAL PAUWI

Dinagsa naman ng mga trabahador sa Boracay ang tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para makahingi ng transportation allowance pauwi sa kani-kanilang mga probinsiya.

Bitbit pa ng isang babaeng massage therapist ang kaniyang anak habang nagbabakasakaling makakakuha ng tulong pinansiyal.

"Wala, hindi nila (kami) inaasikaso," sabi ng massage therapist.

Nais naman ipa-reimburse ng tricycle driver na si Mar Alanza ang kaniyang nabiling tiket papuntang Maynila.

"Dapat 'pag mayroon nang tiket, unahin nila 'yong may tiket kasi aalis na 'yan eh," sabi ni Alanza, na pumila mula pa alas-tres ng madaling araw.

Minabuti naman ng ilang tauhan ng DSWD na puntahan ang mga malalaking resort para alamin kung sino ang bibigyan ng tulong para makauwi.

"Immediate kasi 'yong concern na pag-uwi nila ng kani-kanilang probinsiya so ito 'yong ino-offer natin," ani Beverly Salazar mula DSWD Western Visayas.

Naghihintay ang mga opisyal ng gobyerno ng proklamasyon mula kay Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim ang Boracay sa state of calamity para makuha ang calamity fund. 

"Hopefully, before the day ends, or, I'm crossing my fingers that the President already signed the proclamation," sabi ni DILG Assistant Secretary Epimaco Densing III.

PANANAGUTIN

Nasa 10 opisyal naman ang nakatakdang humarap sa mga kasong administratibo dahil sa umano'y pagpapabaya na naging sanhi ng polusyon sa Boracay.

‪“Tapos na drafting ng complaint sheet. The only reason why we haven't filed it yet is because we are authenticating documents and evidence,” ani Densing.

Ipapa-audit din ang environmental fee na binabayad ng mga turista, na aabot sa milyon-milyong piso kada taon, para tingnan kung nagkaroon ng katiwalian. 

-- Ulat nina Jeff Canoy, Joyce Clavecillas, Katrina Domingo, at Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.