Convoy ng umuwing OFWs hinarang ng mga residente sa Batangas

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 07:07 AM | Updated as of Apr 23 2020 09:01 PM

EDITOR'S NOTE: Sa inisyal na bersyon ng artikulong ito, nakasaad na hinarang ang convoy sa Nasugbu. Nangyari ang insidente sa Lian at inilipat lamang ang mga convoy sa Nasugbu. Humihingi kami ng paumanhin sa naturang pagkakamali. 


MANILA - Hinarang ng mga residente ng Lian, Batangas ang convoy ng nasa 300 na kauuwi pa lang na overseas Filipino workers sa pangambang may COVID-19 ang mga ito, Huwebes ng madaling-araw. 

Dumating sa Pilipinas nitong Miyerkoles ang mga OFW mula sa Saudi Arabia, Kuwait, at Qatar. Sakay ng 13 bus, papunta sana sila sa ilang resort sa Lian, kung saan sila sasailalim sa 14-araw na quarantine na kailangan daanan ng lahat ng uuwi sa bansa, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration
 
Nang harangin ng mga residente ang convoy ng mga pagod at gutom na OFW, napilitan silang lumipat sa tapat ng isang hotel sa katabing bayan ng Nasugbu, ani OWWA Administrator Hans Cacdac. 

Watch more in iWantTFC

Hindi maaaring manatili roon ang mga OFW dahil mayroon na ring ibang grupong naka-quarantine doon. Dahil dito, stranded pa rin sa loob ng bus ang mga OFW, alas-6 ng ummaga. 

Kuwento ng isang OFW na hiniling na itago ang kaniyang pangalan, bukod sa mahigit kalahating araw na nilang paghihintay mula nang dumating sa Pinas, 3 araw na rin silang hindi pa nakakaligo dahil sa pagbiyahe nila mula Middle East. 

Nanawagan ang OFW sa mga lokal na opisyal o mga may-ari ng panuluyan sa Batangas na kupkupin muna sila sa panahon ng kanilang quarantine. 

Pumunta na ng Batangas si Cacdac para magpaliwanag at humingi ng paumanhin sa mga naapektuhang OFW. Makikipag-usap din siya kay Lian Mayor Isagani Bolompo para maresolba ang sitwasyon.

Sinabi rin ni Interior Secretary Eduardo Año na magpapadala ng mga pulis para i-escort ang convoy. 

Maaari rin aniyang nag-ugat sa "miscoordination" ang insidente. 

"Supposedly alam na dapat ng mga LGU na kapag OFW, hindi haharangin, didiretso iyan sa kanilang quarantine area," sabi niya sa hiwalay na panayam ng DZMM. 
 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.