Batang babae sa Butuan City, nagpositibo sa COVID-19

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 12:23 AM

BUTUAN CITY - Kinumpirma ng Department of Health (DOH) Center for Health Caraga na isang 10-taong gulang na babae sa Butuan City ang naitalang ikatlong COVID-19 case sa rehiyon.

Ang pasyente ay walang travel history at walang sintomas. Pero ayon kay Dr. Jose Llacuna Jr., regional director ng DOH sa Caraga, may close contact ang pasyente sa kamag-anak na dumalo sa Araw ng Dabaw Derby sa New Davao Matina Gallera noong Marso.

Ang kumpirmadong kaso ay mula sa anim na samples ng rapid antibody tests na isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Butuan kung saan ang lima ay nagnegatibo.

Sa ngayon, mahigpit na minomonitor ang transmission status sa lungsod.

Noong Sabado, nakalabas na ng ospital ang unang pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 sa rehiyon.

Kasalukuyan namang nasa Caraga Regional Hospital sa Surigao City ang 65 taong gulang na lalaki na ikalawang kaso sa rehiyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.