Mga kolorum na van sa Coron, hinuli ng HPG

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2018 04:40 PM

CORON, Palawan- Naantala ang biyahe ng ilang turista dito matapos hulihin ng mga kinatawan ng Puerto Princesa Highway Patrol Group ang ilang kolorum na van.

Karaniwan na ginagamit ng mga turista ang mga van dito bilang uri ng transportasyon papunta at paalis ng Busuanga Airport.

Ayon kay Coron Mayor Jericho Barracoso, 2 sasakyan ng lokal na pamahalaan ang pansamantalang ginagamit para maihatid ang mga turista.

Paglilinaw din ni Barracoso, tanging ang mga van na pagmamay-ari ng mga hotel ang papayagang magsakay ng turista. 

Dagdag pa niya, may mga tricycle naman umano na maaaring gamitin bilang uri ng transportasyon ngunit hindi maaaring bumiyahe ang mga ito sa national road papuntang airport.

Nakikiusap naman ang mga driver at operators ng van rentals na asikasuhin na ng lokal na pamahalaan ang pakikipag-usap sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa aplikasyon ng prangkisa.

Inamin naman ni Barracoso na ilang taon na umanong nagpapasa ng aplikasyon ang mga operators pero hindi pa umano nagbibigay ng prangkisa ang LTFRB sa Coron. 

Sinubukan kunin ng ABS-CBN News ng pahayag ang LTFRB tungkol dito ngunit hindi pa ito sumasagot sa paanyaya.

-ulat ni Tina Marasigan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.