Online bedtime stories hatid ng isang ina sa GenSan ngayong lockdown

Yen Mangompit, ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2020 02:45 PM

Watch more in iWantTFC

GENERAL SANTOS CITY - Para malibang ang mga kabataan dito sa siyudad, naisip ng isang ginang na mag-upload ng Pinoy bedtime stories sa social media ngayong may lockdown sa ilang lugar sa bansa. 

Siya si Pia Manilay Millado, na nagpo-post sa kaniyang Facebook page ng mga bedtime stories para sa mga bata. Si Millado mismo ang nagbabasa ng mga istorya mula sa mga librong pambata na tungkol sa magandang asal. 

Ayon kay Millado ginagawa niya ito para mahikayat ang mga batang magbasa sa halip na gumamit at maglaro ng gadget. Dagdag niya na sa pagbabasa lumalawak ang imahinasyon ng bata.

"Para maengganyo ang mga bata na magbasa at madevelop sa kanila ang habit sa pagbabasa. Kasi through reading ang dami-dami nating puwedeng matutunan, ang dami-dami nating puwedeng mapuntahan at saka nakakalawak ito ng imahinasyon," ani Millado. 

Wikang Filipino imbes na Ingles ang gamit ni Millado para mahasa ang mga bata sa pagsasalita ng sariling wika.

Sa tingin niya, patok ang bedtime stories ngayong naka enhanced community quarantine ang ilang parte ng bansa. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.