NEDA chief Ernesto Pernia nagbitiw sa puwesto sa gitna ng COVID-19 lockdown

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2020 06:28 PM | Updated as of Apr 17 2020 09:36 PM

MAYNILA - Nagbitiw na sa puwesto si Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia ngayong Biyernes dahil sa umano'y personal na dahilan at pagkakaiba sa "development philosophy" sa mga kasamahan sa gabinete.

Nagbitiw si Pernia sa gitna ng krisis sa coronavirus disease 2019, na pinaniniwalaang makakaapekto sa ekonomiya ng bansa ngayong naka-lockdown ang ilang bahagi ng Pilipinas para mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Sa isang pahayag ito kinumpirma ni Pernia, na pansamantalang papalitan ni Finance Undersecretary Karl Chua sa nabakanteng puwesto.

"After reflection during Holy Week, and consultations with my family and close colleagues, I have decided to resign from my post as Secretary of Socioeconomic Planning," Pernia said.

"This is due partly to personal reasons and partly to differences in development philosophy with a few of my fellow Cabinet members,"

Nagpasalamat naman si Pernia kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkakahirang sa kanya sa puwesto at sa mga kasamahan niya sa NEDA na nagtiwala sa kanyang pamumuno.

Sinabi ni Pernia na aalis siya sa NEDA na alam niyang may nasimulan siyang mga pagbabago na makatutulong sa bansa sa pagharap nito sa mga hamon ngayon.

Itinalaga sa puwesto si Pernia taong 2016, nang maluklok si Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto.

Tinanggap na ng Malacañang ang resignation ni Pernia.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.