Lalaking nagnanakaw ng tsokolate, tiklo sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 09:42 PM | Updated as of Apr 19 2018 09:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto noong Lunes sa isang convenience store sa Sampaloc, Maynila ang isang lalaking nagnanakaw ng mga tsokolate.

Namukhaan ng tauhan ng convenience store sa may Barangay 537 ang suspek na si Luisito Santos, na dati nang nakuhanan ng CCTV sa kanilang tindahan na nagnakaw ng tsokolate.

Bumalik si Santos sa naturang tindahan, at tinangka umanong magnakaw ng beer at tsokolate.

Nagpahayag si Santos ng pagsisisi dahil sa nangyari.

"Pasensiya na, 'di na mauulit," sabi ni Santos.

Kuwento ni Santos, binebenta niya sa mas maliit na halaga sa palengke ang mga ninakaw para may panggastos.

Tumangging magpaunlak ng panayam ang tauhan ng convenience store.

Ayon sa barangay kagawad na si Janet Serva, posibleng hindi lang dalawang beses ginawa ni Santos ang krimen.

"Maraming tao din na nagsasabing nakikita siya sa ibang convenience store na ganoon din 'yong ginagawa," aniya.

Umaasa naman si Santos na mapatatawad siya ng mga tauhan ng convenience store, lalo at may mga anak pa umano siyang kailangan buhayin.

Kasong theft ang isinampa laban kay Santos.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.