Mga 'di magsusuot ng face mask sa Maynila mumultahan, ikukulong sa bisa ng ordinansa

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2020 05:04 PM | Updated as of Apr 16 2020 08:33 PM

Watch more in iWantTFC

Multa at pagkakakulong ang haharapin ng mga mahuhuling hindi magsusuot ng kanilang face mask sa labas ng bahay sa bisa ng ordinansang inilabas ng lokal na pamahalaan kaugnay ng ipinatutupad na quarantine. 

P1,000 multa ang babayaran ng mga mahuhuling hindi magsusuot ng face mask, batay sa ordinansa sa unang offense. Ang Ordinance No. 8627 ay nilagdaan noong Miyerkoles. 

Itataas naman ng P2,000 ang multa sa ika-2 offense at puwede pang makulong sa ika-3 offense. 

Sa press conference gabi ng Miyerkoles, nilinaw ni Manila Mayor Isko Moreno na kahit anong mask naman ang maaaring gamitin ng mga residente. 

"Puwede po 'yung ginawa ninyo, puwede yung binigay ng siyudad na washable, o surgical mask. Basta kung lalabas po tayo, para maiwasan at mapaliit natin ang probability na magkandahawahawa tayo, habang tayo ay gumagamit ng quarantine pass upang bumili ng mga kakailanganin sa loob ng bahay," ani Moreno sa isang press conference gabi ng Miyerkoles. 

Sisimulan ang paghuli sa Huwebes, o kaya matapos mailathala ang abiso sa diyaryo, ayon sa lokal na pamahalaan. 

Batay sa naunang abiso ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, kinakailangan ng Luzon residents na lumabas nang naka-face mask ngayong may coronavirus disease 2019. 

Sa ngayon, naka-enhanced community quarantine ang buong Luzon dahil sa banta ng COVID-19. 

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.