COVID-19 survivor mula Batangas ikinuwento ang naranasang diskriminasyon

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2020 04:24 PM | Updated as of Apr 27 2020 07:14 PM

Nakaranas ng diskriminasyon ang 23 anyos na si Ariane Tee Khey ng Nasugbu, Batangas dahil sa COVID-19. Retrato mula kay Tee Khey

Pangalawang buhay na kung ituring ng 23 taong gulang na working student na si Ariane Tee Khey ang bawat paggising matapos gumaling sa sakit na bagong coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Tee Khey, Marso 15 nang simula niyang maramdaman ang mga sintomas at makalipas ang 2 araw ay ipinasok na siya sa ospital at nagpa-test para sa COVID-19.

Kalaunan ay nawala ang mga sintomas ni Tee Khey pero noong Marso 25, lumabas na positibo siya sa sakit, na dulot ng virus na SARS-CoV-2.

"Hagulhol ako nang hagulhol kasi mag-isa ka lang doon sa ospital. Walang nag-aalala sa'yo, walang friend na puwedeng bumisita sa'yo, walang family na nandoon para i-comfort ka," ani Tee Khey sa panayam ng ABS-CBN News.

Naniniwala si Tee Khey na sa Metro Manila niya nakuha ang sakit. Nakauwi pa siya sa kanilang bahay sa Barangay Bucana sa Nasugbu 4 na araw bago makaramdam ng sintomas.

Bago pa umano lumabas ang confirmatory test niya, kumalat na sa social media na positibo sa COVID-19 si Tee Khey.

Watch more in iWantTFC

Matinding diskriminasyon umano ang naranasan ni Tee Khey at ng kaniyang pamilya.

"'Yong pagsasabi nila ng masama tungkol doon sa nag-positive, it's not really helpful. Lalo mo lang dina-down 'yong tao at 'yong pamilya," aniya.

"Bukod sa physical battle, mayroon ka ding psychological at spiritual battle na pinagdadaanan," dagdag niya.

Nanawagan si Tee Khey sa publiko na itigil na ang disrkiminasyon sa mga taong positibo sa sakit maging sa frontliners.

Lubos din ang pasasalamat ni Tee Khey sa medical workers na nag-alaga sa kaniya at sa iba pang COVID-19 patient.

"Ang hirap ng ginagawa nilang trabaho like they’re putting their lives on the line to save these people who are in need," ani Tee Khey.

Noong Marso 29, nag-negatibo si Tee Khey sa sakit. Nakalabas na rin siya sa ospital at natapos na rin ang dagdag na 14-day quarantine niya noong Easter Sunday.

Balak ni Tee Khey na mag-donate ng dugo para mapag-aralan ng mga eksperto kung puwede itong gamitin sa pagpapabuti ng kondisyon ng ibang COVID-19 patients.

-- Ulat ni Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.