Call center agent patay sa riding-in-tandem sa QC

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2019 01:33 PM

MAYNILA – Patay ang isang call center agent matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang lalaking sakay ng motorsiklo na nanghablot din ng kaniyang bag sa Barangay Sto. Domingo sa Quezon City, Biyernes ng gabi.

Dead on the spot ang biktimang si Eugene Cabauatan, 24, residente ng Amoranto Street sa nasabing barangay.

Ayon sa paunang imbestigasyon ni Police Cpl. Remcel Jugarap, papasok pa lamang sa trabaho ang biktima at naghihintay ng masasakyan sa kanto ng Quezon Avenue at G. Araneta Avenue nang lapitan ng dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo.

Hinablot ng angkas ang bag ng biktima pero nakipag-agawan ito.

Bigla na lang umanong bumunot ng baril ang lalaking angkas ng motorsiklo at pinagbabaril ang biktima ng tatlong beses.

Nagtamo si Cabauatan ng tama ng bala sa ulo at katawan na agad nitong ikinamatay.

Natangay ng mga salarin ang bag ng biktima.

Nakita sa crime scene ang tatlong basyo ng bala ng kalibre .45 na baril, isang deformed slug at isang itim na facemask.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.