2 bodega sa Cagayan de Oro natupok

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2019 06:47 PM

Sumiklab ang sunog sa 2 bodega sa Cagayan de Oro City nitong Miyerkoles ng gabi. ABS-CBN News

CAGAYAN DE ORO - Umabot ng 17 oras bago naapula nitong Huwebes ang sunog sa 2 bodega sa lungsod.

Nakatambak sa isang bodega ang sibuyas at iba ang pampalasa samantalang nakatambak naman sa kabilang bodega ang mga gulong kaya nahirapan ang mga bombero na apulahin ang apoy.

Gumamit na rin ang mga bombero ng kemikal na Aqueous Film-Forming Foam Concentrates (AFFF) sa pag-apula ng sunog.

"Malaking tulong yung AFFF para maapula yung apoy involving class B fire at goma," sabi ni Fire Supt. Allan Cabut, City Fire Marshall ng Cagayan de Oro.

Ini-imbestigahan pa ng mga bombero kung may kinalaman sa kuryente ang dahilan ng sunog.

"Kung pagbalik ng kuryente at may naka plug na appliances sa loob posible kasi ang starting current malakas kung may appliance na medyo sensitibo pero hindi pa natin ma confirm kung electrically motivated ang sunog," ani Cabut.

Tinatayang P3.6 milyon ang napinsala sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.