'Misting' di nakakapatay ng coronavirus, posible pang makasama: DOH

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2020 06:39 PM


MAYNILA — Nagbabala ang Department of Health (DOH) na walang katibayang nakapapatay nga ng coronavirus ang pag-disinfect sa papagitan ng misting ng alcohol, chlorine, at iba pang kemikal. 

"DOH does not recommend spraying or misting. There is no evidence to support that spraying of surfaces or large scale misting of areas, indoor or outdoor with disinfecting agents, kills the virus," ayon sa ahensiya nitong Biyernes. 

Posible pa ngang may masamang dulot ito sa kalusugan gaya ng skin irritation at respiratory side effects.

Ayon naman sa World Health Organization, hindi napapatay ng pag-spray o pag-mist ng disinfectant ang mikrobyo na nasa loob na ng katawan.
    
Sabi rin ng WHO, mas mabisa pa ring panlaban kontra COVID-19 ang physical distancing, madalas na paghuhugas ng kamay, at pag-iwas sa paghawak sa mata, ilong at bibig.
    
COVID-19 cases sa Pilipinas

Samantala, nasa 4,195 na ang bilang ng mga dinapuan ng COVID-19 sa Pilipinas matapos ianunsiyo ng DOH nitong Biyernes na nagtala sila ng bagong 119 kaso. 

Bukod sa bagong nagpositibo, nakapagtala naman ng bagong 16 paggaling kaya 140 ang kabuuang nakarekober sa sakit. 

Umabot naman sa 221 ang namatay matapos pumanaw ang 18 pang pasyente. 

Kasalukuyang nasasailalim sa enhanced community quarantine ang Luzon para maiwasan ang pagkalat ng malapulmonyang sakit. 

 

Sa buong mundo, aabot na sa 1.4 milyong tao ang dinapuan ng sakit na nagmula sa Wuhan City sa China.

—Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.