Bodyguard ng vice mayor sa Negros Oriental patay sa pamamaril

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2020 02:31 PM


GUIHULNGAN CITY, Negros Oriental — Patay ang 56 anyos na si Belarmino Isolana matapos itong pagbabarilin ng riding-in-tandem sa lunsod na ito noong Huwebes ng gabi. 

Si Isolana ay isang close-in security ni Guihulngan City Vice Mayor Ernesto Reyes.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Guihulngan police, naglalakad lang ang biktima ilang metro ang layo mula sa kaniyang bahay nang bigla siyang pagbabarilin ng 2 hindi pa nakikilalang salarin na sakay ng motorsiklo.

May tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan at ulo si Isolana, ayon sa pulisya.

Sinubukan pa itong dalhin sa ospital pero idineklara na siyang dead on arrival.

Nakuha sa crime scene ang 4 na basyo ng bala ng kalibre 45 pistol.

Napag-alaman ng pulisya na ang biktima ay dating drug surrenderer noong 2016.

Patuloy na inaalam ngayon ng mga pulis kung ano ang motibo sa pagpatay kay Isolana at kung sino ang nasa likod nito.


—Ulat ni Martian Muyco, ABS-CBN News


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.