Barangay sa Bukidnon isinailalim sa ‘istriktong’ enhanced community quarantine

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2020 04:52 PM

Photo courtesy of Valencia CPS

Isinailalim sa "istriktong" enhanced community quarantine ang Barangay Lumbayao sa Valencia City, Bukidnon, matapos magtala ng unang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) nitong Huwebes.

Sa executive order na inilabas ni Mayor Azucena Huerbas tatagal hanggang Abril 26 ang ECQ upang mapigilan ang paglaganap ng sakit.

Executive order na inilabas ni Mayor Azucena Huerbas hinggil sa 'istriktong' enhanced community quarantine sa Barangay Lumbayao. Kuha ng LGU Valencia City
Executive order na inilabas ni Mayor Azucena Huerbas hinggil sa 'istriktong' enhanced community quarantine sa Barangay Lumbayao. Kuha ng LGU Valencia City

Suspendido ang lahat ng pampublikong transportasyon sa barangay maliban sa mga bus na ginagamit ng gobyerno para sa relief operation.

Istriktong naka-home quarantine naman ang lahat ng residente sa barangay at suspendido ang schedule ng pamimili ng mga pangangailangan ng mga residente. 

Sinisiguro ng lokal na pamahalaan na magrarasyon ng pagkain at gamot sa mga residente. Ipinasara na rin ang lahat ng establisyimento.

Nagsagawa na ng contact tracing para sa mga nakasalamuha ng pasyente matapos itong bumisita sa derby sa Matina, Davao City noong Marso 12.

Kinompirma nitong Lunes ng isang medical officer ng Department of Health Region XI na humigit kumulang anim sa 11 namatay sa rehiyon dahil sa COVID-19 ay may koneksyon sa isang derby na isinagawa sa Matina Gallera.

Nakapagtala na ang lungsod ng isang person under investigation at 108 na person under monitoring.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.