10-anyos sa Iloilo nag-donate ng P500 na savings para sa frontliners

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2020 04:21 PM | Updated as of Apr 10 2020 05:41 PM

ILOILO CITY — Umani ng papuri sa netizens ang 10 anyos na nakilalang si "Sky" dahil sa kaniyang murang edad ay naisip na niyang makatulong sa COVID-19 frontliners. 

Sa halip kasi na sarilinin ang naipong P532 sa buong school year ay pinili ni Sky na i-donate ito sa donation drive ng Iloilo City Government para sa mga lumalaban sa pagkalat ng COVID-19.

Ibinahagi ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa social media ang private message sa kaniya ni Sky dahil naantig umano siya sa kawanggawa ng bata.

 

Kanselado ang graduation ceremony ni Sky, na magtatapos na sana ng grade 6. Pambili niya sana ng cellphone ang naipon. 

"This student, Sky, was saving money for her graduation to buy a new cellphone. She saved up 532 pesos, and since she cannot celebrate her graduation, she decided to give her money to our frontliners for their food," ani Treñas.

"Thank you, Sky, for thinking of others especially our frontliners. We have to take care of them so that they can continue to take care of us," dagdag ng mayor.

Nitong Biyernes, umabot na sa 11,000 ang nag-react sa post ng alkalde at 1,600 ang nag-share nito.


—Ulat ni Cherry Palma, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.