TINGNAN: Walang tao sa bus stations ngayong Huwebes Santo

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2020 05:23 PM | Updated as of Apr 09 2020 06:42 PM

Tahimik at walang katao-tao ang mga bus station ngayong Huwebes Santo, bunsod ng ipinatupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Sa pag-iikot ng ABS-CBN News nitong umaga ng Huwebes, kitang walang katao-tao sa mga bus station sa Araneta City, Cubao, na kadalasan ay punong-puno kapag ganitong araw noong mga nakaraang taon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Ramon Legazpi, manager ng Araneta City Bus Station, kinuha nila ang pagkakataong walang tao para maglinis at mag-ayos ng mga istasyon.

Maluwag din ang daloy ng trapiko sa North Luzon Expressway papasok ng Metro Manila.

TULONG SA FRONTLINERS

Pero kahit naka-lockdown ang Luzon at ginugunita ang Semana Santa, tuloy pa rin sa pagseserbisyo ang mga frontliner.

Ang software developer na si Philip Cheang ay gumawa ng microsite at nag-update ng app na Sakay.ph para maipakita ang sakayan at ruta na puwedeng gamitin ng mga health worker.

 

I-type lamang ang COVID19.sakay.ph, at ilagay ang pupuntahang ospital para makita ang ruta, landmark, at hihintuan.

Ipinapakita rin ang oras at dalas ng biyahe.

Inihayag naman ng grupong Electric Kick Scooter Philippines na handa silang magpahiram ng electric scooter sa frontliners.

Nauna nang nagpahiram ang grupo ng scooters sa ilang doktor sa Philippine General Hospital.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.