Education chief nagpositibo sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2020 04:56 PM | Updated as of Apr 09 2020 06:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Inihayag ngayong Huwebes ni Education Secretary Leonor Briones na nagpositibo siya sa coronavirus disease (COVID-19).

Bagaman negatibo ang COVID-19 test ng 79 anyos na kalihim noong marso 13, positibo na ang resulta nito sa pangalawang test noong Abril 2.

Sa television interview, inihayag ni Briones na siya ay asymptomatic o hindi nakararanas ng mga sintomas ng sakit.

"Walang sipon, ubo, difficulty in breathing, upset stomach, I don't have those symptoms at all kaya okay lang ang pakiramdam ko," ani Briones.

Ayon kay Briones, naka-isolate o nakahiwalay na siya mula sa mga kapamilya at staff sa Department of Education.

Tiniyak naman ni Briones na tuloy ang operasyon ng kagawaran kahit naka-quarantine.

"Tuloy-tuloy ang pag-operate ng DepEd, halimbawa, mga suweldo babayaran namin in advance, benefits, mga utang namin," aniya.

Patuloy rin umano silang nakikipag-ugnayan sa mga magulang kaugnay sa pagbabalik ng klase sakaling matapos na ang enhanced community quarantine, na ipinatupad sa Luzon para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Si Briones ang ikalawang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpositibo sa sakit kasunod ni Interior Secretary Eduardo Año.

Ayon sa World Health Organization, mas mataas na tsansang makakuha ng "severe" o malalang COVID-19 ang mga taong may edad 60 pataas at may underlying medical conditions tulad ng diabetes at kanser.

Ngayong Huwebes, umabot sa 4,076 ang bilang ng mga taong nagpositibo sa COVID-19 sa buong Pilipinas, ayon sa Department of Health.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.