Test kits, libreng ipagagamit sa mga residente ng Iloilo City

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2020 06:16 PM | Updated as of Apr 08 2020 06:56 PM

Dumating na mula sa South Korea ang biniling test kits ng Iloilo City government sa tulong ng pribadong sektor at ipagagamit nang libre sa mga residente ng lungsod. Larawan mula sa Iloilo City government

ILOILO CITY - Libreng ipagagamit ng pamahalaang lokal ng Iloilo City sa mga residente ang mga test kits para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) na binili mula sa South Korea.

Lunes nang dumating ang 2,700 test kits na binili ng Iloilo City government sa tulong ng mga pribadong sektor.

Ayon kay Mayor Jerry Treñas, bukod pa ito sa mga test kits na galing sa scientists ng University of the Philippines.

Ayon sa alkalde, prayoridad nila para naturang mga test kits ang mga may close contact sa mga nagpositibo sa coronavirus, ang mga immunocompromised kagaya ng mga senior citizens, at mga frontliners na may exposure sa COVID-19 patients.

Nagpapatuloy naman ang contact tracing ng City Health Office sa mga nakasalamuha ng mga nag-positibo sa virus.

Sabi ni Treñas na bibigyan ng P94-milyon na budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Iloilo City galing sa P30-bilyong pondo ng ahensya.

Kung ibibigay ito bilang trust fund, gagamitin ang pondo sa pagbili ng karagdagang test kits at mga gamot.

Una nang isinailalim sa COVID testing nitong Martes ang anim na patients under investigations at persons under monitoring na isolated sa Jubilee Hall sa City proper.

Pupuntahan naman ng medical technologists ang mga PUIs at PUMs na naka-isolate sa kanilang bahay.

Nagpa-COVID-19 test na rin si Treñas matapos makaramdam ng sipon at ubo.

Miyerkoles nang ianunsiyo ng alkalde ang extension ng enhanced community quarantine sa lungsod hanggang Abril 30.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.