Kapalaran ng Luzon quarantine patuloy na pinag-aaralan: IATF

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2020 06:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi pa matiyak ng Inter-Agency Task Force on Infectious Emerging Diseases kung palalawigin o tuluyan nang tatapusin ang enhanced community quarantine sa Luzon.

Sa press briefing nitong Sabado, sinabi ni IATF spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles na kulang pa ang datos para pagdesisyunan ang quarantine, na nakatakdang matapos sa Abril 13.

"Hindi pa kami prepared na magbigay ng rekomendasyon tungkol sa partial lifting ba or extension, or ilang lugar na lang ba kasi hindi pa talaga conclusive ang data," ani Nograles. 

Ibabase ng kanilang hanay ang desisyon sa binuong technical working group na pamumunuan ng Department of Health. 

Pagbabasehan dito ang datos ng mga kaso ng COVID-19. 

Nakasalalay din ang desisyon sa kapasidad ng healthcare system ng bansa, gaya ng bilang ng personal protective equipment, quarantine, isolation at treatment facilities, at kapasidad na magsagawa ng contact tracing. 

Pagbabasehan din ang mga batayang panlipunan, ekonomiya, at seguridad ng taumbayan.

Sa ngayon, nasa 3,094 ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Aabot na sa 144 ang namatay at 57 naman ang gumaling na sa sakit. 

— Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.