ALAMIN: Mga lugar na gagawing quarantine facility sa gitna ng banta ng COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2020 12:39 PM

MAYNILA - Sa pagpasok ng ika-4 na linggo ng enhanced community quarantine sa Luzon, napipinto ang pagbubukas ng mga pasilidad para sa mga pasyenteng kumpirmado at sinusuri para sa sakit na coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Isa rito ang Ninoy Aquino Stadium ng Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila. 

Halos patapos na ang mga ginagawang kuwarto at cubicle na para sa 120 pasyente ng COVID-19 na asymptomatic o may mild na sintomas. 

Kabilang din sa gagamitin ang Philippine International Convention Center na may 300 bed capacity at World Trade Center na may 500 bed capacity. 

Gagawin ding temporary isolation facilities ang mga sumusunod: 

  •  Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City
  • •Quezon Memorial Circle sa Quezon City
  •  Amoranto Stadium sa Quezon City
  •  Quezon Institute sa Quezon City
  •  PhilSports Complex sa Pasig
  •  Duty Free Philippines sa Parañaque
  •  FTI station sa Taguig
  •  Filinvest Tent sa Alabang, Muntinlupa

Sa Central Luzon, gagawing mega-quarantine facility ang Philippine Arena sa Bulacan at sinimulan na ang pagbuo sa ASEAN Convention Center sa Clark, Pampanga, at ang New Clark City Government Center sa Capas, Tarlac. 

Ayon kay Bases Conversion and Development Authority (BCDA) chairman Vince Dizon, inaaasahang matatapos ang mga pasilidad sa papasok na linggo. 

"Gusto nating mapigilan ang pagdagsa ng tao sa ating mga ospital para ang mga ospital natin ay ma-prioritize iyong mga kritikal at severe ang sakit at pangangailangan, kailangan din nating gumawa ng mga facilities na hindi lamang mabuti para sa mga may sakit pero mapoprotektahan din ang ating mga frontliners— mga doktor at nurse— para siguraduhing hindi sila mai-infect ng virus na ito," aniya. 

May airconditioning, 24/7 monitoring ng mga doktor at nurse, at libreng internet at pagkain para sa mga ilalagay sa quarantine facility, ayon sa BCDA. 

"Nag-offer na ang Meralco na lahat ng quarantine facilities natin ililibre nila ang kuryente so libre ang electric bill sa mga facilities na 'to,” ani Dizon. 

Libo-libong pasyente ang inaasahang maseserbisyuhan sa mga pasilidad. 

Ang Taguig, naghahanda na ng mga isolation tent. Bumili na rin ng sariling test kits ang lokal na pamahalaan na gagamitin sa mga susunod na araw. 

Sa ngayon kasi may mga persons under investigation, persons under monitoring, at mga positibong kaso na sa siyudad na nag-self quarantine. 

— Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.